Nanindigan si dating Senator Antonio Trillanes IV na may basehan ang isiniwalat niyang impormasyon hinggil sa umano’y planong pagpapatalsik ni dating President Rodrigo Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa exclusive interview ng RMN Manila, sinabi ni Trillanes na pawang nakalap niya ang mga impormasyon mula sa intelligence community at sa mga koneksyon sa loob ng Armed Forces of the Philippines.
Pero aniya, pahirapan sa ngayon ang ginagawang recruitment ng mga kampo ni Duterte sa AFP dahil kilalang pabor ang dating pangulo sa china.
“Meron pong mga nagre-recruit na mga kasamahan ni Duterte, ito mga retired AFP officials po ito na mga opisyales noong panahon ng Duterte administration. Subalit wala pong sumasama sa kanila kasi maka-China nga ‘yang sina Duterte.”
Dagdag pa ni Trillanes, na ang pakay talaga ni dating Pangulong Duterte ay makabalik sa pwesto dahil uhaw aniya ito sa kapangyarihan.
Samantala, iginiit naman ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na baka guni-guni lang ni Trillanes ang nasabing paratang.
“Napakabigat po na paratang ‘yan. Eh baka naman po guni-guni niya ‘yan at siguro nananaginip dahil gawi sa dating kaugalian niya. Eh ugali talaga ni Trillanes ‘yan mahilig sa kudeta alam naman natin ‘yan talagang pinanindigan niya sa mula’t-mula.”
Dagdag pa ni Roque, nakahanda ang kampo ng dating pangulo sakaling magpadala ng arrest warrant ang International Criminal Court.