Hinatulan ng “guilty of indirect contempt” ng Himamaylan City Regional Trial Court Branch 55 sa Negros Occidental si dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica.
Ito ay may kaugnayan sa inisyu ni Serafica na Memorandum Circular 11 na nagpahintulot sa sugar importation sa kabila ng Writ of Preliminary Injunction na inilabas ng korte noong March 2 upang pigilan ang pagpapatupad ng Sugar Order (SO) No. 3.
Ang naturang injunction ay may kaugnayan sa petisyon ng Negros Occidental Federation of Farmers Association na tumutol sa pag-a-angkat ng asukal sa ilalim ng mga nasabing kautusan ng SRA.
Batay sa labing-isang pahinang desisyon ni RTC Branch 55 Judge Walter Zorilla, pinatawan si Serafica ng labing-limang araw na pagkakabilanggo at multang P30,000.
Matatandaang, May 4 nang ilabas ni Serafica ang nasabing memorandum na nagpahintulot para sa importasyon ng 200,000 metric tons ng standard grade at bottler’s grade refined sugar.