Dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, hinimok ang gobyerno na magdagdag puwersa kung magkakasa ng resupply mission sa Ayungin Shoal

PHOTO: Armed Forces of the Philippines

Hinihikayat ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang gobyerno na magdagdag ng puwersa kung magsasagawa ng resupply misison sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Carpio, sa ganitong paraan ay maiiwasan na mangyari ang ginagawang pambu-bully ng China sa mga barko ng Pilipinas.

Aniya, dapat ay kasama ng ibang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Philippine Navy at Armed Forces of the Philippines (AFP) para maipakita ang suporta sa ginagawang resupply mission.


Dagdag pa ni Carpio, dapat nang gumawa ng ibang estratehiya ang Pilipinas para hindi nauuwi sa pambu-bully ng China sa mga sundalo na nagdadala ng supply.

Maaari rin daw humingi ng tulong ang Pilipinas sa Amerika para sa joint patrol sa tuwing ikakasa ang naturang aktibidad.

Giit pa ni Carpio, ang pagpapalakas ng pakikipag-alyansa sa ibang bansa ang isa sa maaaring makatulong upang matigil ang China sa iligal na gawain nito sa West Philippine Sea (WPS).

Matatandaan na muling nakaranas ang mga barko ng PCG ng panggigipit ng China kung saan binangga ang kanilang barko habang papalapit sa Ayungin Shoal at gumamit pa ng water cannon para itaboy ang barko ng Pilipinas.

Facebook Comments