Dating Vice President Jejomar Binay, kabilang na sa senatorial slate ng Lacson-Sotto tandem

Labing isa na ang bumubuo ngayon sa senatorial slate ng tandem para sa 2022 elections nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Ayon kay SP Sotto, pinakabagong nadagdag sa kanilang magiging pambato sa pagkasenador si dating Vice President Jejomar Binay.

Bukod sa kaniya ay nauna nang inihayag ni SP Sotto na kasama sa kanilang senatorial ticket sina dating Senator JV Ejercito, Chiz Escudero, Loren Legarda at Gringo Honasan.


Kasama rin sina Senators Win Gatchalian, Dick Gordon, Joel Villanueva at Migz Zubiri.

Binanggit din ni SP Sotto si dating Commission on Election (COMELEC) Commissioner Goyo Larrazabal at Leyte Representative Lucy Torres-Gomez.

Sabi ni SP Sotto, na siya ring chairman ng Nationalist People’s Coalition o NPC, kung hindi kakandidato sa mas mataas na pwesto sina Senator Gordon at Gatchalian ay isa na lang ang kulang sa kanilang pambato sa pagkasenador.

Binanggit ni SP Sotto na mayroon na silang ilang personalidad na kinakausap para rito at bukas din sila sakaling magpasya si Senator Manny Pacquiao na muling kumandidato na senador.

Facebook Comments