Nanawagan si dating Vice President Jojo Binay sa national government na mamahagi ng libreng face mask o face shield sa mga nasalanta ng Super Typhoon Rolly.
Aniya, dapat gumawa ng hakbang ang gobyerno para hindi kumalat ang COVID-19 virus sa mga evacuation center na pansamantalang tinutuluyan ng mga biktima ng bagyo at sa kanilang mga komunidad.
Dapat aniya na tiyaking ligtas ang mga residenteng nasalanta ng bagyo at hindi makadagdag ang pagkalat ng COVID-19.
Dagdag pa niya, na hindi dapat asahan ang mga local government na makapagbigay ng agarang tulong dahil maaari na nagamit na ng karamihan ang kanilang calamity fund nang mamigay ng ayuda sa mga residente sa simula ng lockdown.
Ang iba naman ay sinalanta ng Bagyong Quinta.
Matatandan, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot sa higit dalawang milyon ang naapektuhan ng Bagyong Rolly.
Higit 138,000 naman ang lumikas sa mga evacuation at karamihan dito ay nasa Bicol Region.