Hinamon ni dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Administrator Mocha Uson si senatorial candidate Jejomar Binay na magsagawa ng live interview upang ipakita sa publiko na malusog ito at hindi nakakaranas ng dementia o memory loss.
Ang hamon ay ginawa ni Uson kasabay ng pagmamaliit nito sa ipinalabas na pre-recorded video ng kampo ni Binay para kontrahin ang inihain nitong manifestation sa Commission on Elections (Comelec) na humihiling na suriin ang mental capability ni Binay.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagsasalita si Binay hinggil sa nasabing isyu at tanging ang kaniyang tagapagsalita lamang na si Joey Salgado ang naglalabas ng pahayag.
Sinabi ni Uson na madaling gawin ang isang Facebook live kung totoong hindi pa nakakaranas ng memory gap si Binay sa edad na 79-anyos.
Aniya, sa loob ng dalawang buwang campaign period, hindi na nakikita ng personal si Binay sa mga rally.
Nais lang ni Uson na patotohanan ni Binay siya ay nasa maayos na kalusugan kung saan nanindigan siya na reliable ang mga nagbigay sa kaniya ng impormayon hinggil sa tunay na kalagayan ni Binay kaya nagpasaklolo na siya sa COMELEC dahil hindi pa huli ang lahat para maliwanagan ang mga botante.