Datos at impormasyon ng publiko, mas lalong mapapangalagaan ng DSWD sa ikinasa nilang workshop

Mas lalo pang maiingatan at mababantayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang datos ng publiko partikular ang mga nasa marginalized sectors sa pagsusulong ng kanilang serbisyo sa digitalization.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, kasabay ng makabagong sistema ay kailangan pa ring mapangalagaan ang impormasyon ng bawat Pilipino.

Aniya, ito’y upang hindi mawala ang tiwala ng milyon-milyong indibidwal na umaasa sa tulong at suporta ng DSWD.


Kasabay ng pagsulong sa digitalization, mas palalakasin rin ng DSWD ang kanilang cyber security sa tulong ng kanilang mga empleyado na sumalang sa Data Protection Workshop.

Kaugnay nito, sinisiguro ng DSWD na handa ang kanilang tanggapan sa anumang cyber threats kung saan hindi maaapektuhan ang kanilang sistema.

Ang naturang hakbang ng DSWD ay alinsunod sa isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gamitin ang digitalization at e-governance upang mapabilis ang mga transaksyon, mas matulungan at maging maginhawa ang kalagayan ng mga Pilipino.

Facebook Comments