Suportado ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, kasunod ng pagtanggap ng kaniyang tatay na si Presidente Rodrigo Duterte sa public apology ng istasyon.
(BASAHIN: Pangulong Duterte, tinanggap ang sorry ng ABS-CBN)
Ayon sa alkalde, malaki ang naitulong ng kompanya sa pinamumunuang siyudad at iba pang lugar sa Pilipinas.
“Hopefully ma-resolve in a very positive way ang issue ng franchise ng ABS-CBN,” dagdag ng presidential daughter sa isang panayam nitong Huwebes.
Aniya, si PRRD ay dating host ng programang “Gikan sa masa, para sa masa”, isang lingguhang talk show na umeere sa local station ng giant network.
“Alam niyo naman si President Duterte, maawain ‘yan na tao. Iniisip din niya ang trabaho ng maraming empleyado ng ABS-CBN,” saad ni Duterte-Carpio.
Nakatakdang mapaso ang lisensya ng Kapamilya network sa Mayo 4 pero nakabinbin pa din sa Kongreso ang 11 panukala para sa franchise renewal.
Maliban sa isyu ng prangkisa, nahaharap din sila sa reklamong paglabag sa “foreign ownership restrictions” at umano’y pagkakaroon ng “highly abusive practices” na isinampa ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema.