Ibinalita ni presumptive Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na tinanggap na ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang posisyon bilang Deputy Speaker for Political Affairs ng 18th Congress.
Ito ay inanunsyo ni Cayetano sa kanyang FB account kasunod ng naging pulong ng dalawa ngayong araw sa may BGC sa Taguig.
Nagpapasalamat din si Cayetano sa presidential son dahil nakapag-usap sila ng personal para talakayin ang mga kinakailangan ng bansa gayundin ang pagkakaroon ng isang “responsive” na Kongreso.
Naniniwala si Cayetano na sa pagtutulungan ng mga kongresista ngayong 18th Congress ay matagumpay nilang maihahatid ang mga agenda ng Pangulo.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na kapag maupo siya sa pinakamataas na posisyon sa Kamara ay dadagdagan niya ang bilang ng mga Deputy Speakers para makatulong sa pagsusulong ng legislative agenda ng kapulungan.