Pasado na sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong ideklara ang lalawigan ng Davao Oriental bilang mining-free zone.
Sa ilalim ng House Bill 8815, layon nitong iligtas ang maraming buhay sa pamamagitan ng pagbabawal sa anumang uri ng pagmimina sa naturang probinsya at para maprotektahan ang conservation ng mineral resources at kalikasan.
Naalarma ang Kamara na nasa ibabaw ng 320-kilometer fault line ang Davao Oriental na nagsisimula sa Surigao Province at nagtatapos sa Compostella Valley.
Ilalapit aniya ng pagmimina sa panganib ang libu-libong residenteng naninirahan doon kaya marapat lamang na ipagbawal na ang small at large-scale mining at i-monitor ang quarrying activities.
Samantala, papayagan pa rin ang pag-issue ng quarry permits pero dapat ay hindi lalampas sa limang ektarya ang lugar at maaari itong kanselahin kapag napatunayang ginagamit parap pagtakpan ang mining operations.
Bibigyan ng isang taon ang mga contractor para magsagawa ng rehabilitasyon, reforestation at regeneration ng mineralized areas.