Davao River, positibo sa polio virus

Davao River / Wikipedia

Kinumpirma ng City Health Office (CHO) nitong Biyernes na nag-positibo sa polio virus ang Davao River, dahilan para paigtingin ang programa kontra polio sa lugar.

Lumabas na positibo sa virus ang water sampling mula sa nasabing ilog na isinumite sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Kasunod ng kumpirmadong kaso ng polio sa Laguna at Lanao, sinabi ni CHO chef Josephine Villafuerte na magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng malawakang pagbabakuna sa sunod na buwan sa lahat ng mga bata sa lungsod.


Binabantayan na rin daw ng CHO ang bawat komunidad sa posibleng kaso ng polio para maiwasan ang pagkalat nito.

Tinipon na rin ang mga may-ari ng resort, mga kapitan ng barangay, at mga namamahala malapit sa katubigan upang ipaalam kung paano makatutulong sa pag-iwas sa polio.

Bagaman wala pang kumpirmadong tinatamaan ng sakit sa lugar, pinaalalahanan ni Villafuerte ang lahat na mag-ingat at maging mapagmatyag.

Labis na iminumungkahi ang pag-iwas sa paglangoy sa Davao River.

Maaaring makuha ang virus sa mga kontaminadong tubig at mga daluyan ng tubig.

Ang polio ay isang nakahahawang sakit at mabilis kumalat. Maaari itong magdulot ng pagkaparalisa o sa bihirang pagkakataon ay nakamamatay.

Facebook Comments