Manila, Philippines – Kumbinsido si Senator Grace Poe na walang kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa lumulutang na mga iregularidad sa nagdaang may 2016 Presidential Elections.
Sabi ni Poe, hindi naman maitatago ang buhos ng suporta ng mga tao kay Pangulong Duterte noong nakaraang halalan.
Ipinunto pa ng senadora na hindi naman miyembro si Pangulong Duterte ng ruling coalition noon na Liberal Party kaya’t imposible na may kinalaman ito sa pagmamanipula sa eleksyon.
Kasabay nito ay sinuportahan din ni Poe ang panawagan ni Senator Tito Sotto na imbestigahan ang halalan sa mga posisyon na nagkaroon ng gitgitang laban.
Samantala, ikinatuwa ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ang ibinunyag ni Senate Majority Leader Tito Sotto III na may nangyaring iregularidad noong 2016 elections.
Sabi ni Governor Marcos, nakabuti ang expose ni Sotto dahil sunod-sunod na lumutang ang ibang pulitiko na naniniwala na maging ang kanilang boto ay napalitan noong nakaraang eleksyon.
Pero duda naman ang gobernadora kung makakatulong ito sa tyansa na maipanalo ang electoral protest sa Presidential Electoral Tribunal ng kanyang kapatid na si dating Senator Bongbong Marcos.