Dayaan sa Sabungan sa Cauayan City Isabela, Tatlong Kalalakihan Bagsak sa Kulungan!

Cauayan City, Isabela – Bagsak sa kulungan ang tatlong lalaki matapos na nandaya sa ginanap na sabong ng manok kahapon sa Jaycee Clay Sports Complex ng Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Inspector Zosimo Sambrano, Chief Investigator ng Cauayan City Police Station na nakakulong na sa ngayon ang may ari ng manok na may putol at hindi matalas na tari na si Orlando Carreon Marquez, tatlumpu’t siyam na taong gulang, binata at residente ng Purok 3, Gundaway, Cabarrougis, Quirino.

Kasama umano ni Marquez si Gilbert Carreon Rico, apatnapu’t walong taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Rizal, Diffun, Quirino, samantala ang may ari ng manok na may matalas na tari ay si Antonio Sison Manalili, apatnapu’t anim na taong gulang, may asawa at residente ng Diadi, Nueva Vizcaya.


Sinabi pa ni Police Inspector Sambrano na maaring makasuhan ang tatlong suspek ng Other forms of Deceit na inireklamo ng manager ng Jaycee Clay Sports Complex na si Marlon Dela Cruz Mallonga, limampu’t apat na taong gulang, may asawa at rsidente ng San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa imbestigasyon ng kapulisan ay napansin umano ng tagapunas ng tari ng manok na putol at hindi matulis ang tari ng manok ni Orlando Marquez na may pustahan na nagkakahalaga ng Php17,600.00 kung saan ay kaagad itong inireport sa himpilan ng pulisya.

Idinamay narin umano na hinuli ang may hawak sa isang manok na may matalas na tari dahil sa maaring kasabwat at kakilala nina Marquez at Rico si Manalili.

Facebook Comments