Nakipagdayalogo ang economic team sa mga representante nang ilang ahensya ng pamahalaan at tinalakay ang isinusulong ng Marcos administration na pension reform system o pagbabago sa sistema sa pensyon para sa mga military at uniformed personnel.
Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), ginawa ang dayalogo sa Kampo Aguinaldo sa Quezon City kamakalawa.
Dinaluhan ito ng mga representatives mula sa Department of Finance (DOF), Bureau of the Treasury (BTr), Government Service Insurance System (GSIS), at Department of Budget and Management (DBM).
Dumalo rin ang mga representatives mula sa tanggapan ni Senator at Defense Committee Chair Jinggoy Estrada at ilang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na aabot sa 800 sundalo.
Sa dayalogo tiniyak ng pamahalaan na committed silang pakinggan ang hinaing o sentimyento at isyu ng mga Military Uniformed Personnel para makasabay sa fiscally inclusive sustainable pension system.
Sa katunayan magsasagawa ng dayalogo ang economic team sa iba’t ibang panig ng bansa para malaman ang concern at isyu ng military uniformed personnel kaugnay sa pension reform system na ito.
Nanindigan naman ang pamahalan na ang isinusulong na pension reform system ay magbibigay ng mas matatag na social protection system para sa lahat ng military uniformed personnel.
Sa panukala, maiiwasan ang posibleng “fiscal collapse” o fiscal crisis at upang makatipid ang gobyerno ng P130 bilyon kada taon.
Nakasaad rin sa panulala na magkakaroon na nang mandatory contribution ang military uniformed personnel gayundin ang pagtanggal ng “automatic indexation” sa mga pensyon.