Dayalogo sa mga religious sector ipinatawag ng Pangulo; 3 government officials inatasang simulan sa lalong madaling panahon ang pag-uusap

Manila, Philippines – Nagpatawag ng dayalogo si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang simbahang Katoliko at iba pang religious sector sa buong bansa.

Ito ay sa harap na rin ng mga naging pahayag ni Pangulong Duterte patungkol sa Diyos ng Romano Katoliko kung saan ito ay tinawag nitong estupido na umani ng matinding pagbatikos.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, inatasan siya ni Pangulong Duterte na makipagusap religious sectors, at makakasama aniya niya sa mga makikipagusap ay sina Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella na dating Pastor at Commissioner Pastor Boy Saycon ng Edsa People Power Commission.


Sa lalong madaling panahon aniya ay gusto ng Pangulo na masimulan ang dayalogo.
Sa ngayon aniya ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan si Commissioner Saycon sa pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP.

Sesentro ang dayalogo sa kung paano ba mababawasan ang hidwaan sa pagitan ni Pangulong Duterte at ng simbahan.

Tiniyak naman ni Roque na maipaparating nila kay Pangulong Duterte ang resulta at detalye ng mga dayalogo na kanilang isasagawa.

Facebook Comments