Dayalogo sa pagitan ng mga awtoridad at mga miyembro ng media, may second round pa ayon sa PNP

Magkakaroon pa muli ng dayalogo ang Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG) at media kaugnay ng ginawang pagbisita kamakailan ng ilang mga tauhan ng pambansang pulisya sa ilang mamamahayag.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PNP PIO Chief PCol. Red Maranan, naging maganda ang unang dayalogo nitong Sabado kasama ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, National Press Club at iba pang media outlets.

Nagkaintindihan aniya nang maigi ang lahat ng panig sa naging dayalogo kamakailan.


Inaasahan aniyang lalo pang maisasaayos ang ugnayan at kasunduan sa pagitan ng mga awtoridad at ng iba’t ibang media entities sa susunod na dayalogo para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mamamahayag sa bansa.

Matatandaan na nagdulot ng pagkabahala sa industriya ng media ang ginawang surprise house visitation kamakailan ng ilang mga tauhan ng Pambansang Pulisya sa ilang mamamahayag sa Metro Manila, na anila ay isang paglabag sa right to privacy.

Nagpaliwanag naman ang Pambansang Pulisya at sinabing wala silang anumang masamang intensiyon kundi tiyakin lamang na ligtas at walang natatanggap na banta sa buhay ang mga mamamahayag, kasunod ng kaso ng pagpatay sa radio personality na si Percy Lapid.

Facebook Comments