Hinimok ni Assistant Majority Leader Fidel Nograles ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng dayalogo sa pagitan ng mga social media influencers at digital workers sa gitna na ng plano na patawan ng tax ang mga ito.
Paliwanag ni Nograles, makakatulong ang dayalogo sa BIR para madetermina ang mga polisiyang ilalatag sa mga influencers at digital workers.
Tinukoy ni Nograles na sa likod ng glamoroso at kasikatan ng mga internet influencers ay malaki rin ang ginagastos ng mga ito sa labor at operation.
Bukod dito, sa umpisa o kapag bago ay wala ring ibinabayad ang mga ito kaya naman ay mahalagang mapag-usapan ang isyu upang malaman ng mga tax authority kung paano umiikot ang content creation.
Dinepensahan din ni Rizal solon ang akusasyon na hindi nagbabayad ng buwis ang mga social media influencers.
Katunayan aniya, pinapatawan ang mga ito ng tax kapag nagkaroon na ng deals sa mga korporasyon para sa brand partnership.
Pagdating naman sa mga advertisement-related income, ang pananagutan para sa buwis ay nasa mga malalaking tech company tulad ng Google. Ito’y dahil may operasyon din ang mga ito sa bansa.