Dumipensa ang Department of Budget and Management (DBM) patungkol sa pagtapyas sa pondo ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng panukalang 2024 national budget.
Ginawa ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pahayag nang hilingin sa kanya na ipaliwanag ang P10 billion na bawas sa national budget ng DOH.
Ayon kay Pangandaman, ang pagbawas sa proposed 2024 budget ng DOH ay isang “congressional initiatives” at kadalasang dahil sa ilang pag-amyenda na ginawa ng mga mambabatas.
Ipinaliwanag din ni Pangandaman na ilang adjustments ang ginawa sa panukalang pondo ng DOH para sa kinakailangang pagtaas sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP) at Medical Assistance for Indigent Patient (MAIP), bukod sa iba pa.
Matatandaang kinwestiyon din ng ilang mambabatas ang pagtapyas sa pondo dahil kailangan pa rin ng DOH ang malaking pondo sa susunod na taon dahil bumabangon pa lang ang bansa mula sa COVID-19 pandemic.