Aprubado na ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagkuha ng karagdagang 673 na mga permanenteng faculty positions sa siyam na campuses sa Mindanao State University.
Ayon kay Pangandaman, kauna-unahan ito sa kasaysayan ng MSU.
Sinabi ng kalihim na P334.24 milyon ang inilaang pondo para sa pagkuha ng faculty personnel.
Dagdag pa nito ang initial funding requirements ay kukunin sa Personnel Services (PS) allotment na available sa MSU campus.
Nagkaroon ng biglaang pagdami ng mga estudyante na nagpa-enroll sa nasabing unibersidad kaya nagkaroon ng expansion sa academic programs sa nakalipas na tatlong dekada nang wala namang dagdag na pondo para sa personnel.
Naniniwala si Pangandaman na dahil sa hakbang na ito, mapalalakas ang sektor ng edukasyon.
Malaki aniya ang tyansa na gumanda ang buhay ng isang Filipino kung mabibigyan lamang ng oportunidad sa edukasyon.
Ito rin aniya ang dahilan kaya prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang edukasyon.
Matatagpuan ang mga MSU campus sa General Santos City, Sulu, at Marawi.