DBM, ire-review ang sahod ng mga gov’t workers sa susunod na taon

Pag-aaralan pa ng Department of Budget and Management (DBM) sa susunod na taon kung magkano ang maidadagdag sa sahod ng mga manggagagawa ng pamahalaan.

Kasunod ito ng apela ng ilang sektor na itaas sa P33,000 ang buwanang nilang sahod bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ayon kay DBM Organization, Position, Classification and Compensation Bureau Director Gerald Janda, pag-aaralan nilang mabuti kung ano ang suhestiyon ng ibang sektor at stakeholders para masiguro kung kakayanin ito ng gobyerno.


Aniya, ang pagtataas kasi ng minimum wage ng mga empleyado ng gobyerno ay mangangailangan ng pagpasa ng bagong batas.

Sa ngayon, sumasahod ang minimum wage earners sa gobyerno ng P12,517 kada buwan.

Nauna nang sinabi ng DBM na ipatutupad sa 2023 ang huling tranche ng taas sahod para sa lahat ng manggagagawa ng pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11466 o Salary Standardization Law V.

Facebook Comments