Nagbigay muli ng babala ang Department of Budget and Management o DBM sa publiko laban sa mga fixer at manloloko na nangangakong tutulong na mapabilis ang mga transakyon sa ahensya.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, naninindigan ang kanilang ahensya sa pagkakaroon ng integridad at katapatan sa lahat ng mga proseso at transaksyon, batay na rin sa umiiral na batas lalung-lalo na sa pag-request at pag-release ng pondo ng bayan.
Dahil dito, ayon sa kalihim nais nilang bigyang-diin na hindi kami kailanman magbibigay ng awtoridad sa kahit sinong indibidwal o grupo para humingi ng pera, goods o pabor kapalit ng pagpapadali ng mga transaksyon.
Hindi raw nila ito pinahihintulutan, sa kahit anong paraan dahil ito ay malinaw na paglabag sa batas.
Para naman makaiwas na maging biktima ng mga panloloko, hinihikayat ng DBM ang publiko na maging maingat at i-report ang anumang kahina-hinalang mga aktibidad para masampahan ng kaukulang kaso ang mga manlolokong indibidwal.
Para sa kaalaman ng publiko, ang pag-sumite ng request para sa Local Government Support Fund– Financial Assistance (LGSF-FA) to Local Government Units (LGUs) ay sa pamamagitan lamang ng Digital Requests Submission for Local Government Support Fund (DRSL) na makikita sa DBM Apps Portal.
Lahat aniya ng dokumentong isusumite ng mga LGU sa ibang paraan ay awtomatikong hindi tatanggapin.
Hinihikayat naman ng DBM ang publiko na maging mas mapagmatyag at i-report ang mga scam o iba pang bogus na aktibidad sa kanilang tanggapan.