Hindi binago ang panukalang budget para sa apat na specialty hospital sa susunod na taon.
Nilinaw ito ng Department of Budget and Management (DBM) matapos ang pahayag ni Deputy Speaker Ralph Recto na binawasan ang 2023 budget ng Lung Center of the Philippines (LCP), Philippine Heart Center (PHC), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), at ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC).
Sa pahayag ng DBM sinabing ang subsidies na ipinagkaloob ng gobyerno sa apat na ospital ay batay sa kanilang fiscal year 2021 Quantified Free Service.
Giit ng ahensya na mataas ang pagpapahalaga ng gobyerno sa mga nabanggit na specialty hospital lalo’t napatunayan sa maraming dekada na malaki ang pakinabang dito ng mga Pilipino.
Kaya naman ang pondong ibinigay rito kung hindi man tinaasan ay hindi binago para ngayong 2022 at sa susunod na taon.
Sinabi pa ng DBM, ipinauubaya nito sa Kongreso kung tataasan o babawasan ang proposed budgets para sa mga ahensya ng gobyerno sa isinasagawang budget deliberations.