Pinagtatabi na ang Department of Budget and Management (DBM) ng pondo para sa nalalapit na pagsasabatas ng “Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs)”.
Ayon kay BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co, oras na malagdaan ng Senate Committee on Health ang kanilang bersyon ng panukala ay mabilis na itong uusad sa plenaryo.
Kaya naman para mapabilis ang implementation ng magiging bagong batas, pinaghahanda nito ang DBM ng sapat na pondo para sa itinutulak na benepisyo sa mga BHWs.
Aniya, ang pondo ay maaaring kunin mula sa LGU share sa internal revenue allotment (IRA).
Sa ilalim ng panukalang batas, mabibigyan ng hindi bababa sa ₱3,000 na honoraria kada buwan ang mga BHWs, bukod pa ito sa tig-₱1000 na hazard pay at transportation allowance.
Entitled din ang mga BHWs sa ₱100 kada araw na subsistence allowance bukod pa sa 20% discount tulad sa mga senior citizen at PWDs, libreng medical care kung ma-confine sa pampublikong ospital at sick, vacation at maternity leave.