DBM, pinamamadali sa pag-download ng pondo sa LGUs para tugunan ang pagtaas muli ng COVID-19 cases

Pinatitiyak ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa Department of Budget and Management (DBM) na mai-download agad ang kaukulang pondo ng mga Local Government Units (LGUs) sa ilalim ng 2022 national budget.

Ito ay sa gitna na rin ng muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 dahil sa Omicron variant at pagsasailalim sa Alert Level 3 ng National Capital Region (NCR).

Ang pondo aniyang ito ay magagamit upang mapalakas ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa sakit.


Kabilang dito ang paghahanda ng COVID-19 kits na naglalaman ng alcohol, sabong panlaba, sabong panligo, mouthwash at medical grade face mask.

Pinalalaan din ang pondo para sa logistical requirement at deployment ng health care professionals’ transportation services, suplay ng PPEs, vitamins at pagkain.

Pinaghahanda na rin ang Department of Health (DOH) at mga ospital ng imbak ng mga gamot at iba pang medical supplies na kakailanganin sa parehong Omicron at Delta variant patients.

Facebook Comments