Manila, Philippines – Pipilitin ng Department of Budget and Management (DBM) na makalikom ng malaking pondo, matapos pirmahan kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang universal access to quality tertiary education act para maging libre na ang tuiton fee ng mga estudyante sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa.
Sa panayam ng RMN Manila kay Representative Karlo Alexi Nograles, Chairman ng House Committee on Appropriations, magsasagawa sila ng analisasyon kasama ang DBM at Commision on Higher Education (CHED), kung ano ang kinakailangang halaga ng pondo para matugunan ang libreng tuition fee para ng mga mag-aaral.
Nabatid kahapon matapos mapirmahan ni Pangulong Duterte ang nasabing batas ay nagpahayag ng komento si CHED Commisioner Prospero de Vera na kinakailangan ng 36 billion kada taon para ma-implementahan ang free tuition fee.
Giit naman ni Nograles dito, malaking pagsubok nga para sa kanila ang nasabing batas na pinirmahan ng pangulo dahil hindi pa nila tiyak kung saan kukunin ang malaking budget.
Isa sa mga nakikitang posibilidad ni Nograles ay ang mga di nagagamit na pondo ng iba’t-ibang mga ahensiya ng gobyerno.