Umaasa ang Department of Budget and Management (DBM) na maipapasa ng Kamara ang panukalang ₱4.5 trillion 2021 national budget sa Biyernes, October 16 ngayong tapos na ang isyu sa House Speakership.
Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, tiwala silang wala nang makakapigil o makakapagpaantala pa sa pagpasa ng pambansang pondo para sa susunod na taon.
Iginiit ni Avisado na hindi maaaring reenacted budget ang gagamitin lalo na at kinakaharap pa rin ng bansa ang pandemya.
Binigyang diin ng Budget Chief na hindi maipatutupad ang mga programa at proyekto para sa COVID-19 response at recovery initiatives sa ilalim ng reenacted budget.
“Mahihirapan dahil hindi makakapag-implement ng mga project na nakapaloob sa National Expenditure Program next year. Ang magagawa lang ay magpasahod, maintenance and other operating expenses pero pagbili ng kung ano ang pangangailangan hindi mangyayari,” ani Avisado.
Sabi pa ng kalihim, nasa ₱212.39 billion ang inilaan sa health sector para sa pagtugon sa COVID-19, kung saan ₱71.35 billion ay para sa National Health Insurance Program para i-subsidize ang health premiums ng nasa 13 million indigent families at pitong milyong senior citizens.
Nasa ₱17.31 billion ang inilaan para sa medical assistance sa indigent patients program.
Nasa ₱16.58 billion ang nakaprograma para sa pag-hire ng 26,035 doctors, nurses at healthcare workers.
Naglaan naman ang gobyerno ng ₱2.7 billion para sa pagbili ng dalawang milyong personal protective equipment sets, ₱1.03 billion para sa pagbili naman ng RT-PCR cartridges para sa COVID-19 testing.
Nasa ₱2.5 billion ang inilaan naman para sa pagbili ng COVID-19 vaccines, para sa 3.8 million na mahihirap na Pilipino, habang nasa ₱11.61 billion para sa pagpapahusay ng health facilities.