Posibleng umabot sa halos ₱1 billion ang ikinalugi ng Development Bank of the Philippines (DBP) dahil sa pagdidispatya sa utang ng mga kumpanyang pagmamay-ari ng pamilya Lopez.
Ito ang binigyang diin ng Malacañang kasabay ng pagpapakita ng infographic kung paano binenta ng Lopez group ang ₱1.6 billion na loan at kung paano nila nabawi ito.
Ang infographic na pinamagatang: “Transactions involving DBP, Lopez Companies’ Bad Loans, and Lehman SPV,” ang impormasyong nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakakuha ang Lopez companies na nasa ₱1.66 billion na halaga ng loans mula sa DBP.
Pagtataka ni Roque kung bakit hindi kaya ng Lopez companies na bayaran ang kanilang utang gayung hindi naman sila lugi noong panahon na iyon.
Napagpasyahan ng DBP na ibenta ang utang ng Lopez sa Lehman Brothers sa halagang sa pagitan ng ₱668 million hanggang ₱1.069 billion sa ilalim ng special purpose vehicle law.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9812 o Special Purpose Vehicle Act of 2002, ang mga bangko ay pinapayagang mag-unload ng non-performing assets sa isang asset management company para tulungan silang makarekober sa financial crisis.
Pagkatapos ng ibenta ang assets, sinabi ni Roque na nabawi ng mga Lopez ang nasabing assets sa mababang halaga.
Ipinauubaya na ni Pangulong Duterte sa Ombudsman na imbestigahan ang nasabing loan disposal ng Lopez group, kung saan nakasaad sa probisyon ng Anti-Graft Law laban sa pagpasok sa isang kontrata na prejudicial sa pamahalaan.
Dapat alamin ng Ombudsman kung ang disposal ng mga utang ng Lopez sa pamamagitan ng SPV ay patas at tama.
Makatutulong din sana aniya ang Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) bill sa sitwasyong ito.
Matatandaang nagbabala si Pangulong Duterte na haharangin ang operasyon ng ABS-CBN maliban na lamang kung babayaran ang tax obligations nito sa gobyerno.