Wala pang natatanggap na tugon ang Department of the Interior and Local Government (DILG) mula sa mga local chief executive na na-isyuhan ng show cause order dahil sa “pagsingit” sa COVID-19 vaccine rollout.
Ayon kay DILG Undersecretary Bernardo Florece Jr., tatlong araw lang ang ibinigay nilang palugit sa mga alkalde pero hanggang ngayon ay wala pang nakapagsusumite ng kanilang mga paliwanag.
Kabilang sa mga alkaldeng unang pinadalhan ng show cause order ay sina:
Mayor Alfred Romualdez ng Tacloban City, Leyte
Mayor Dibu Tuan ng T’boli, South Cotabato
Mayor Sulpicio Villalobos ng Sto. Nino, South Cotabato
Mayor Noel Rosal ng Legazpi City, Albay
Mayor Abraham Ibba ng Bataraza, Palawan
Ayon kay Florece, hindi nila masisisi ang mga alkalde kung nais nilang magpaturok para itaas ang kumpiyansa ng mga tao sa bakuna pero dapat pa ring masunod ang priority list.
Tiniyak ng opisyal na pag-aaralan nilang mabuti ang magiging paliwanag ng mga alkalde bago magdesisyon kung kakasuhan sila o hindi.