Manila, Philippines – Binigyan ng isang linggo ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga mall operator para ipasa ang listahan ng mga Public Utility Vehicle (PUV) na pumapasok sa kanilang mga terminal.
Ayon kay DOTr Undersecretary Tim Orbos, layon nitong matukoy at mahuli ang mga colorum na mga sasakyan na kumukuha ng mga pasahero sa mga mall.
Aniya, kalahati ng mga bumabyaheng sasakyan sa Metro Manila ay colorum.
Sinabi naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra na hiniling rin nila sa mga mall na payagan ang kanilang mga enforcer na mag-inspeksyon sa kanilang mga terminal.
Kinumpirma naman ni Delgra na inaprubahan na ng insurance commission ang dagdag na insurance coverage ng mga pasahero.
Babala ng DOTr, pananagutin nila ang mga establisyimento na pinahihintulutan ang mga colorum na sasakyan sa kanilang mga terminal.
May kaakibat itong multa depende sa colorum na mahuhuling pumipila sa terminal.