Hindi na pumayag ang lokal na pamahalaan ng Maynila na palawigin pa ang petsa sa itinakda nilang paglilinis sa Manila North at South Cemetery.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna, hanggang October 25, araw ng Martes, na lamang ang paglilinis at pagsasaayos sa mga nabanggit na sementeryo.
Dahil dito, pinapayuhan ang lahat ng residente sa Maynila na sundin ang inilabas na schedule lalo na’t hindi papayagan ang pagdadala ng anumang gamit na panlinis sa mismong araw ng Undas.
Sinabi pa ng alkalde na nauna na ring inanunsyo nina Manila North Cemetery director Yayay Castaneda at South Cemetery head Jonathan Garzo na ang petsa ng libing ay pansamantalang suspendido mula October 28 hanggang November 2 at muli itong ibabalik sa November 3.
Iginiit ng alkalde na sinuspinde pansamantala ang paglilibing dahil sa mga inaasahang pagdagsa ng mga magtutungo sa dalawang sementeryo.
Samantala, ipagpapatuloy naman ang creamation pero para lamang ito sa mga nasawi dahil sa COVID-19.