NCRPO, nag-sorry sa pagbisita ng isang pulis sa bahay ng isang journalist; home visit sa mga mamamahayag, ipinatigil

Humingi ng paumanhin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos na madulot ng takot at alarma ang pagbisita ng isang pulis sa bahay ng isang journalist.

Kwento ni JP Soriano ng GMA News, sabado nang magtungo sa kanyang private residence ang isang nagpakilalang pulis na inutusan umano upang mangamusta at alamin kung nakatatanggap siya ng mga pagbabanta.

Bagama’t nagpakilala nang maayos at nagpakita ng I.D., hindi aniya naka-uniporme ang pulis.


Paliwanag ni NCRPO chief Brigadier General Jonnel Estomo, pakay ng pagbisita na kumuha ng impormasyon kung nakatatanggap ng mga pagbabanta ang mga miyembro ng media kasunod ng nangyaring pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid.

Paraan aniya ito ng pulisya upang makapagbigay ng security assistance sa mga mamamahayag at kanilang pamilya kung kakailanganin.

Gayunman, nag-sorry ang NCRPO dahil sa alarmang idinulot nito at inutusan ang iba pang mga pulis na itigil ang ginagawang pagbisita.

Iniimbestigahan na rin nila ang insidente kung saan ipinatawag na ang pulis na nagtungo sa bahay ni Soriano.

Facebook Comments