Manila, Philippines – Hindi sigurado ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung kaya nilang tugunan ang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala nang lumang jeep pagsapit ng Enero 2018.
Paglilinaw ni LTFRB Board Member Aileen Lizada, batid naman ng lahat kung papaano magsalita ang Pangulo at ito ay utos para madaliin nila ang modernization.
Sinabi pa ni Lizada na kung may mga maaanghang na salitang binitawan ang Presidente ito ay dahil may misyon na itama ang mga mali sa bansa.
Aniya pa, 20 taon na ang planong modernisasyon sa jeepneys at ngayon ay ginagawa na ng gobyerno.
Pero sa kabila ng mga paliwanag ng LTFRB sa jeepney modernization, nagkakaisa pa rin ang ang ACTO, PISTON, FEJODAP, L-TOP, at ALTODAP sa pagtutol sa program.
Giit ng mga ito, maraming bagay sa ilalim ng PUV modernization ang hindi nila naiintindihan at hindi naipaliwanag sa kanila.
Samantala maglalagay naman ng tatlong pilot areas Taguig, Pateros at Pasay.
Layunin ng mga pilot areas na ito na makita ang epekto ng PUV modernization at ang mga magiging problema upang maisaayos ito bago gawin sa buong bansa.