Dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic, pinalawig pa ng Civil Service Commission (CSC) ang deadline ng paghahain ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Sa inilabas na Memorandum Circular Number 13 ng CSC, pinalawig pa ng animnapung (60) araw ang deadline ng filing ng SALN para sa mga opisyales at empleyado ng gobyerno.
Mula sa naunang June 30, 2020 ay ginawa ng CSC na August 30, 2020 ang deadline para sa mga government official.
At para sa mga empleyado sa mga ahensya ng gobyerno, sa halip na August 30, 2020 ay ginawa ng October 30, 2020.
Pinayagan din ng CSC ang online submission ng SALN kung mayroong ginawang mekanismo ang ahensya para masumpaan ito ng empleyado bilang pagsunod sa health protocols.
Maaaring mag-online meeting ang naghahain ng SALN at ang Administering Officer.
Ang mga SALN ay isusumite sa mga tanggapan ng CSC at maaari na sa pamamagitan ng USB drive o CD.
Ang hindi makakapaghain ng SALN ay maaaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.