Deadline sa pagpasa ng mga healthcare workers ng kanilang requirements para hazard pay, pinalawig ng DOH

Pinalawig pa ng Department of Health (DOH) ang kanilang itinakdang palugit para sa pag-a-apply ng COVID-19 hazard pay ng mga health workers.

Ito’y matapos na pumalag ang grupo ng mga healthcare workers sa ibinigay na isang araw na deadline ng pagpasa ng kanilang mga requirements para makakuha ng hazard pay.

Ayon sa DOH, nakipagpulong na ang Center for Health Development—National Capital Region (CHD-NCR) sa mga lider ng union ng iba’t ibang grupo ng mga healthcare workers at hospital tripartite council sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE).


Napagkasunduan ng magkabilang panig na iurong sa Biyernes, December 11 hanggang alas-5:00 ng hapon ang deadline ng pagpasa ng requirements ng mga health workers para sa hazard pay.

Nagpaalala naman ang DOH sa mga implementing unit na bigyan ng pansin at pabilisin ang pagproseso sa mga benepisyo ng mga healthcare workers.

Muli rin inihayahag ng DOH na kinikilala nila ang sakripisyo at kontribusyon ng mga healthcare workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments