Deadline sa pamamahagi ng ECQ ayuda, hanggang ngayong araw na lamang – DILG

Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na hanggang ngayong araw na lamang maaaring kunin ng mga indibidwal ang kanilang cash aid sa NCR Plus Bubble.

Ayon kay DILG Spokesperson Jonathan Malaya, ilang benepisyaryo pa ang hindi kinukuha ang kanilang ayuda mula sa mga Local Government Unit (LGU).

Kapag lumagpas sa deadline, ang mga LGU ay dapat maghanda ng bagong payroll para sa iba pang benepisyaryong apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa kanilang komunidad para magamit ang mga hindi nakuhang ayuda.


Mayroon naman aniya hanggang Mayo 25 ang mga LGU para aksyunan ang mga apela ng mga hindi nakatanggap ng ayuda.

Batay sa DILG, 28 LGUs na ang nakakumpleto ng pamamahagi ng ayuda.

Nasa 90% ng P22.9 bilyong pondo ang naipamahagi na ng DILG kung saan 22 milyong indibidwal ang nakinabang.

Ang ECQ ayuda ay nagkakahalaga ng P1,000 kada indibidwal o hanggang P4,000 para sa buong pamilya.

Facebook Comments