Dean ng UST faculty of civil law, binatikos ni Senator Zubiri kaugnay sa pagkamatay sa hazing ng isa nitong estudyante

Manila, Philippines – Sa pamamagitan ng privilege speech ay kinondena ni Senator Juan Miguel Zubiri ang pagkamatay sa hazing ng 22 years old freshman law student ng University of Sto Tomas o UST na si Horacio Castillo III.

Kinondena ni Zubiri ang pahirap na ginawa sa biktima ng Aegis Juris fraternity na naging sanhi ng kamatayan nito.

Sa kanyang talumpati ay binatikos ni Zubiri ang ginawa ni Dean Nilo Divina ng UST faculty of civil law na pagsuspinde at pagbabawal sa mga miyembro ng nabanggit na fraternity na dumalo sa kanilang mga klase o pumasok sa loob ng UST.


Hamon ni Zubiri sa mga miyembro ng UST faculty of civil law at kay Dean Divina, na isa sa mga founder ng nabanggit na fraternity, lubos na makipagtulungan sa imbestigasyon at sabihin sa mga otoridad ang lahat ng kanilang nalalaman.

Binanggit din ni Zubiri ang natanggap niyang impormasyon na pinayuhan pa ang mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na umalis na ng bansa.

Inihayag din ni Zubiri ang kawalan ng silbi ng umiiral na Republic Act no. 8049 o an act regulating hazing ang other forms of initiation rites in fraternities, sororities at iba pang organisasyon.

Giit ni Zubiri, hindi sapat na iregulate lang ang hazing dahil ang nararapat ay tuluyan na itong ipagbawal.

Ayon kay Zubiri, ito ang dahilan kaya inihain nila ni Senator Win Gatchalian ang Senate Bill Number 1591 o ang anti-hazing law na naglalayong tuldukan na ang pagsasagawang hazing sa bansa.

Kaugnay ng talumpati ni Zubiri ay present naman sa gallery ng session hall ang ilang kaanak ni Castillo, kasama ang kapatid nitong si Nicole na OJT din sa office ng senador.

Facebook Comments