Manila, Philippines-Aprubado na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagbabalik sa parusang kamatayan.
Sa botong 216 YES, 54 NO at 1 ABSTENTION ay tuluyan nang ipinasa ng mababang kapulungan ang House Bill 4727 o ang death penalty bill.
Nominal ang naging botohan kaya isa-isang bumoto ang mga kongresista sa dalawang rounds ng roll call.
Ilan sa mga tumutol sa panukala ay sina Congs. Edcel Lagman, Lito Atienza, Gary Alejano, Edgar Erice, Tom Villarin, Raul Daza, Teddy Baguilat ng Magnificent 7, Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos, Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, Buhay Rep. Michael Mariano Velarde, Quezon City Rep. Bolet Banal, Dinagat Island Rep. Arlene "Kaka" Bag-ao at mga mambabatas mula sa MAKABAYAN BLOC.
Ang mga bumoto karamihan na tutol sa death penalty ay may mga hinahawakang committee chairmanship sa Mababang Kapulungan.
Samantala ang mga dating tutol sa death penalty na sina PBA Rep. Jericho Nograles at Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles ay bumoto naman ng Yes.
Ang dating House Speaker at Quezon City Rep. Feliciano Belmonte ay bumoto din pabor sa parusang kamatayan.
Si Cebu City Rep. Rodrigo Abellanosa naman ang nag-abstain.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala, tanging ang mga drug-related crimes lamang ang papatawan ng parusang kamatayan.
Hindi naman mandatory ang parusang kamatayan dahil ang panukalang parusa ay reclusion perpetua to death penalty depende sa desisyon ng Korte.