Manila, Philippines-Inirekomenda ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe na magsagawa ng review sa death penalty bill.
Ayon kay Batocabe, sa oras na maging ganap na batas ang parusang kamatayan ay nais ng kongresista na i-review kada tatlong taon ang panukala upang makita kung epektibo ito sa war on drugs ng Duterte administration.
Matatandaang ang mga kasong may kinalaman sa illegal drugs lamang ang may parusang kamatayan.
Pero paglilinaw ni Batocabe, hindi mandatory ang parusang kamatayan kundi reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo hanggang kamatayan ang parusa depende na sa magiging hatol ng korte.
Sinabi pa ng kongresista, hindi lamang mga mahihirap kundi maging ang mga mayayaman at mga opisyal ng gobyerno ay maaaring maharap sa parusang kamatayan kung ang mga ito ay masasangkot sa mga kaso ng illegal drugs.
Prayoridad aniya ngayon ng Kamara na patawan ng death penalty ang illegal drug cases at may anim na taon pa naman para isunod ang rape, treason, plunder at mga heinous crimes para magkaroon ng parusang kamatayan.
Facebook Comments