Death penalty bill, malaki ang tsansa na makapasa ngayong 18th Congress

Malaki ang pag-asa ni Senate President Tito Sotto III at ilang senador na makakapasa ngayong 18th Congress ang panukalang ibalik ang parusang kamatayan.

Ang death penalty bill ni Sotto at ni Senator Ronald Bato Dela Rosa ay nakasentro sa kasong high level drug trafficking.

Bukod sa mga high level drug traffickers ay nais naman ni Senator Bong Go na bitayin din ang mapapatunayang nakagawa ng plunder o pandarambong.


Isinulong naman ni Senator Manny Pacquiao na mabitay ang sinumang mapapatunayang sangkot sa pag-angkat, pagbenta, pagbitbit, paggawa, pagpapatakbo ng laboratoryo at drug den, pati ang pagtatanim ng mga halaman na gamit sa paggawa ng ilegal na droga.

Sa death penalty bill naman na inihain ni Senator Lacson ay kasama sa nais niyang mapatawan ng lethal injection ang guilty sa illegal drug trade, plunder, rape, murder at treason o pagtataksil sa bayan.

Nais din ni Lacson na mapatawan ng kamatayan ang nagkasala sa mga kasong qualified bribery, parricide, infanticide, destructive arson, human trafficking, terrorism, human smuggling at qualified piracy o mang-aagaw ng barko at aabandona sa mga biktima sa gitna ng dagat.

Diin ni Lacson, wala ng kinakatakutan ngayon ang mga kriminal dahil lumilitaw sa datus ng pulisya na may isang pinapatay sa bansa sa kada 54 na minuto, may ninanakawan kada 16 na minuto at may ginagahasa kada 51 minuto.

Facebook Comments