Bulacan – Muling nabuhay sa Kamara ang panawagan na ibalik at tuluyan ng maisabatas ang parusang kamatayan.
Ito ay kasunod na rin ng karumal-dumal na pagpatay sa limang miyembro ng mag-anak sa San Jose Del Monte Bulacan kung saan ang suspek ay napag-alamang lulong sa ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Bulacan Rep. Rida Robes, tama lamang ang Pangulong Duterte sa pagiging mahigpit sa paglaban sa iligal na droga at sa pagbabalik muli ng parusang kamatayan.
Inilarawan ni Robes ang krimen na isang horror movie na nakakakilabot at nakakaiyak dahil hindi ito gawain ng isang matinong tao.
Naniniwala ang lady solon na kailangang maibalik na ang death penalty upang mabigyang hustisya ang ama ng mga biktima na si Dexter Carlos at hindi na maulit ang malagim na pangyayari.
Paliwanag ni Robes, hindi makatao ang maraming beses na pananaksak ng suspek na si Carmelino Ibañez sa mga biktima lalo na sa mga walang kamalay-malay na mga bata at ginahasa pa ang dalawang babae sa pamilya.
Hinamon pa ni Robes ang mga human rights advocates at anti-death penalty na harapin ang suspek at saka pangatwiranan na hindi solusyon ang death penalty sa ganitong klase ng krimen.
Mababatid na ipinasa ng Kamara ang Death Penalty na may kinalaman sa mga kaso ng iligal na droga pero ito ay hindi pa rin umuusad hanggang ngayon sa Senado.