Death toll sa Bicol Region dahil sa Bagyong Rolly, sumampa na sa 21 – OCD

Umakyat na sa 21 ang bilang ng nasawi sa Bicol Region dahil sa hagupit ng Bagyong Rolly.

Sa datos mula sa Office of the Civil Defense (OCD), 13 sa kabuuang bilang ay naitala sa Albay, dalawa sa Camarines Sur at anim sa Catanduanes.

Apat na indibidwal naman ang nawawala – tatlo sa Guinobatan, Albay at isa sa San Miguel, Catanduanes.


Habang umabot na sa 394 ang nasugatan.

Sa datos naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) hanggang alas 12:00 ng tanghali ng Sabado, umabot na sa 26,561 pamilya o 100,345 indibidwal ang na-displaced dahil sa bagyo.

Sa nasabing bilang, 20,070 pamilya o 77,504 indibidwal ang nananatili sa mga evavuation centers habang 6,491 pamilya o 22,841 indibidwal ang nasa labas ng mga evacuation center o nanunuluyan sa kanilang kaanak.

Samantala, pumalo na sa P12.7 billion ang kabuuang pinsala ng Bagyong Rolly.

Mahigit P3.6 billion dito ay naitala sa sektor ng agrikultura; P4.6 billion sa government infrastructure.

Nakapagtala rin ng higit P4.2 billion na pinsala ang Department of Education Regional Office-5 habang mahigit P133 million ang iniulat na pinsala ng mga electric cooperative.

Problema pa rin ang suplay ng kuryente at tubig sa rehiyon.

Samantala, umabot na sa P38,320,892 halaga ng tulong ang naipaabot sa Bicol.

Noong nakaraang linggo nang magdeklara ng state of calamity ang mga probinsya ng Camarines Sur, Catanduanes at Albay.

Ang Bagyong Rolly ay ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa mundo ngayong 2020.

Facebook Comments