Manila, Philippines – Hinamon ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., si Budget Sec. Benjamin Diokno ng debate tungkol sa Road Board Abolition Bill.
Giit ni Andaya, ito lamang ang paraan para makita kung sino talaga ang nagsasabi sa kanila ni Diokno ng katotohanan.
Matatandaang unang sinabi ni Andaya na nakausap niya si Pangulong Duterte kung saan ipinababalik umano ang Road Board na una nang ipinabubuwag sa Kamara at pumayag na gamitin ang road users tax taliwas naman sa sinasabi ni Diokno na ipinabubuwag na ang Road Board at hindi pinagagalaw ang road users tax habang may isyu pa dito.
Muling iginiit ni Andaya na siya mismo ay personal na nakausap ang Pangulo tungkol sa pagbabalik sa Road Board at nag-a-assume lamang dito si Sec. Diokno.
Hindi rin totoo ang panukalang naipasa na nagpapabuwag sa Road Board dahil nakasaad sa panukala na mula sa pitong myembro ng Road Board ay gagawin itong 3 Powerful Road Board Kings na pamumunuan ng mga kalihim ng DPWH, DOTr at DENR.
Ibig sabihin, mayroon pa ring Road Board na pangangasiwaan ng tatlong Secretaries na siya lamang may ‘absolute control’ sa pondo at walang oversight na magagawa dito ang Kongreso.
Ito ang dahilan kaya pinababawi ng Kamara ang naunang naipasang panukala na nagpapa-abolish sa Road Board.
Iginiit ni Andaya na huwag gawin ni Diokno na bulag ang Presidente at sa halip ay harapin at sagutin ang isyu partikular na sa mga naisingit na bilyong pondo sa 2019 budget.