Umalma si Bataan Rep. Geraldine Roman sa biglaang pagkwestyon ng isang kritiko sa “plus (+) sign” sa LGBTQIA+ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual, plus) community sa gitna na rin ng pagtalakay ng Committee on Women and Gender Equality sa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill.
Unang nilinaw ni Roman na hindi tungkol sa pagsasa-legal ng same-sex marriage o gender recognition ang SOGIE Bill kundi pagbibigay proteksyon sa mga karapatan ng mga LGBTQIA+.
Lalong uminit naman ang talakayan nang kwestyunin ni Atty. Lyndon Cana ng Coalition of the Concerned Families of the Philippines ang kawalan ng depinisyon ng plus sign sa LGBTQIA+.
Bigla na lamang binanggit ni Cana na dahil sa kawalan ng limitasyon at depinisyon ng plus sign ay maaaring maisama o maidugtong sa sektor ang mga pedophilia at necrophilia.
Ikinagalit naman ito ni Roman at umalma sa abogado na sila ay nasa Kamara at sinong matino ang magsasabatas ng pedophilia at necrophilia.
Samantala, in-adopt naman sa Komite ang pinagtibay na bersyon ng SOGIE Bill noong 17th Congress bilang kanilang working draft.
Matatandaang nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala noong nakaraang Kongreso pero inabot lamang sa interpellation period ang SOGIE Bill version ng Senado.