Kahit kailan, kakasa si Pangulong Rodrigo Duterte sa debate sa pagitan nila ni dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio hinggil sa usapin ng West Philippine Sea.
Matatandaang una nang hinamon ng debate ng Pangulo si Justice Carpio na agad naman nitong tinanggap.
Pero kung ang Malacañang ang tatanungin, nangyayari na ang debate nina Pangulong Duterte at Carpio sa publiko.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang hindi nga masagot ni Carpio ay kung anong isla ang ipinamigay ni Pangulong Duterte sa China habang ito ang Presidente ng bansa.
Ang malinaw aniyang sagot dito ay wala, dahil sa ngayon ay nananatili ang status quo sa West Philippine Sea, bunga ng naging pag-uusap noon nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping.
Kasunod nito, muling ipinaalala ng kalihim kay Justice Carpio na noong Administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino at noong nasa Korte Suprema pa siya ay doon nawala ang teritoryong pag-aari ng Pilipinas na kinabibilangan ng Scarborough Shoal at Mischief reef.