Idineklara ng Malacañang ang December 4, Biyernes bilang special non-working day sa buong lalawigan ng Cebu bilang pagkilala kay dating Senador Sergio Osmeña Jr.
Alinsunod ito sa Proclamation No. 1053 na pinirmahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ang proklamasyon ay tanda ng inaasahang paggunita sa ika-104 taong kaarawan ni Osmeña.
Si Osmeña ay anak ni dating Pangulong Sergio Osmeña Sr. na nagsilbing gobernador ng Cebu province mula 1951 hanggang 1959.
Nahalal din siya bilang alkalde ng Cebu City mula 1959-1963 at Senador mula 1965-1971.
Bukod dito, nagdeklara rin ang Palasyo ng holidays sa apat pang lugar sa bansa.
Sa Proclamation No. 1050, ang December 16 ay special non-working day sa Calatagan, Batangas dahil sa kanilang founding anniversary.
Sa Proclamation No. 1049, idineklarang holiday sa Meycauayan, Bulacan bilang pagdiriwang ng “Araw ng Lungsod ng Meycauayan.”
Sa Proclamation No. 1044, ang November 26 ay holiday sa Dasmariñas City, Cavite para sa kanilang founding anniversary.
Sa Proclamation No. 1048, holiday sa Maragusan, Davao de Oro para rin sa kanilang founding anniversary.
Nagpaalala si Medialdea sa pagtalima sa community quarantine, social distancing at iba pang health protocols habang ginugunita ang mga nasabing local occasions.