Decontamination procedure sa mga bahay, inirekomenda ng isang mambabatas sa halip na pagsuotin ng face masks ang mga magkakasama sa tahanan

Iminungkahi ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., sa Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na sa halip na obligahin ang mga magkakapamilya o magkakasama sa bahay na magsuot ng face mask ay dapat siguraduhin na lamang na nasusunod ang “decontamination process” sa mga tahanan.

Kasabay nito ang pagsisi ng kongresista sa mahinang contact tracing ng DOH at DILG kaya’t patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Iginiit ni Garbin na hindi siya kumbinsido sa dahilan ng DOH at DILG na karamihan sa mga nahahawaan ng sakit ay iyong mga magkakasama sa bahay kaya kinakailangan na ang pagsusuot ng face masks kahit sa loob ng tahanan.


Katwiran ng kongresista, hindi naman naisasama ng mga ahensya sa datos ng kanilang contact tracing ang mga nahawaan ng mga kasamahan sa bahay habang nasa labas.

Inirekomenda ni Garbin sa DOH at DILG na tiyaking naisasagawa sa mga tahanan ang “decontamination procedure” bago pumasok sa mga bahay sa halip na obligahin ang mga magpapamilya na magsuot ng face masks.

Ang “decontamination process” ay ang agad na pagtatanggal at paglalaba sa mga damit na sinuot sa labas ng bahay, pag-sanitize ng kamay at door knobs bago pumasok ng bahay at pagligo agad bago makisalamuha sa mga kasamahan.

Binigyang diin ng mambabatas na ito ang epektibong pamamaraan na dapat ipagawa sa mga magkakasama sa bahay upang maiwasan ang pagpasok ng virus sa mga tahanan.

Facebook Comments