Defense Department, bukas sa lahat ng “options” para maresolba ang isyu sa West Philippine Sea

Kinokonsidera ng Department of National Defense (DND) ang lahat ng “options” para maging maayos na ang umiinit na usapin sa West Philippine Sea dahil na rin sa presensya ng mga barko ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa isang statement, sinabi ni Defense Spokesperson Arsenio Andolong na kabilang sa naiisip nilang options ay ang “partnership” ng Pilipinas at Estados Unidos.

Aniya, patunay na matatag ang samahan ng Pilipinas at Amerika matapos ang binitawang babala ng Estados Unidos sa China.


Sa pahayag, sinabi ni US State Department Spokesperson Ned Price na ipagtatanggol ng US ang Pilipinas sa anumang pag-atake sa mga sasakyang pandigma o pampubliko ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.

Sa ngayon, ayon kay Andolong, patuloy na nag-uusap ang Pilipinas at Amerika patungkol sa Mutual Defense.

Dagdag pa niya, determinado ang Pilipinas na ipagtanggol ang pambansang interes kasabay ng pagtataguyod ng seguridad at stability sa rehiyon sa pamamagitan ng mga hakbang na naaayon sa batas.

Facebook Comments