Itinuturing ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na isang kahibangan ang pahayag ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na posibleng akusahan ng pang-eespiya ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa China.
Ito’y kasunod ng babala ng kalihim na maaaring nang-eespiya lamang sa bansa ang mga Tsinong nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ayon kay Lorenzana, hindi dapat ikinukumpara ang mga POGO worker sa ating mga OFW sa China.
Aniya, pumasok lamang ang mga POGO worker dito bilang mga turista at nakakuha lamang ng Visa para makapagtrabaho sa bansa.
Dagdag pa niya, inatasan ng Chinese Government ang Chinese Companies na mangalap ng intelligence para sa kanila.
Giit pa ng kalihim, ang pagpunta ng mga OFW sa China ay lehitimo at marangal.
At hindi tulad ng Pilipinas, walang POGO centers sa China na pinapatakbo ng mga Pilipino malapit sa Chinese Military Camps.