Humingi ng paumanhin si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kanyang unang pahayag na gumamit ng sasakyan ng Philippine Air Force (PAF) si Vice President Leni Robredo para magtungo sa Catanduanes.
Aniya, ang kanyang pinagbasehan sa kanyang pahayag ay isang maling report na nakarating sa kanya.
Ngunit matapos aniyang makumpirma niya sa flight manifests ng PAF ay lumalabas na walang pagkakataon na sumakay ng sasakyan ng Air Force ang bise presidente.
Meron lang aniyang pagkakataon na ginamit ang isang Air Force “Huey” helicopter para magdala ng relief goods galing sa bise presidente mula sa Legazpi City, Albay patungong Catanduanes noong November 3.
Samantala, sinabi naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Major General Edgard Arevalo na walang problema na gamitin ng Bise Presidente ang kanilang mga sasakyan sa “non-military” operations kung ito ay may kaugnayan pa rin sa mandato ng AFP.
Halimbawa aniya ay ang paghahatid ng civilian disaster responders at relief goods mula sa pribadong sektor sa panahon ng sakuna, maging ang paghahatid ng mga sibilyang opisyal ng gobyerno sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Pero ayon kay Arevalo, sa lahat ng pagkakataon ay dapat aniyang may kaukulang koordinasyon at pahintulot depende rin sa availability ng aircraft at kondisyon ng panahon.