Defense Secretary Lorenzana kinontra ang pahayag ni General Parlade laban kay Senator Bong Go

Walang batayan ang pahayag ni Presidential Candidate at former NTF-ELCAC Spokesperson retired Lt. General Antonio Parlade na dinidiktahan ni Sen. Bong Go ang Pangulo.

Inihayag ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, matapos na sabihin ni Parlade na ang Army, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) ang dapat tanungin kung totoo ang kanyang paratang.

Para sa kalihim, ang mga desisyon ng Pangulo ay tanging kanya, at hindi siya madaling maiimpluwensiyahan tulad ng sinasabi ni Parlade.


Sinabi pa ni Lorenzana na bilang dating Special Assistant to the President, nakatulong si Senator Bong Go sa DND sa pagdoble ng sahod ng mga sundalo, at sa modernization program ng AFP.

Aniya pa si Sen. Bong Go ang nagsilbi sa kanila bilang tulay sa Pangulo at ni minsan ay hindi kumilos ng labag sa kagustuhan ng Pangulo.

Hindi rin daw totoo na may namumuong “discontentment” sa hanay ng militar.

Giit ni Lorenzana na bilang isang propesyonal na organisasyon, patuloy na maglilingkod ang AFP sa sambayanan anuman ang kasalukuyang sitwasyon ng politika sa bansa.

Facebook Comments